(Press Release I received from my HS Filipino Professor, who is now at Ateneo)
Mga Diplomat ng Mehiko at Pransiya, panauhing tagapagsalita sa Sawikaan 2007: Mga Salita ng Taon
Ang Embahador at Unang Kalihim ng mga embahada ng Mehiko at Pransiya sa Filipinas ang ilan sa pangunahing tagapagsalita sa Sawikaan 2007: Mga Salita ng Taon na idadaos sa Pulungang Recto, Bulwagang Rizal, Kolehiyo ng Arte at Literatura, Unibersidad ng Pilipinas, Diliman, Lungsod Quezon City sa Agosto 2 & 3, 2007.
Tatalakayin nina Embahadora Erendira Araceli Paz Campos at Unang Kalihim Georges-Gaston Feydeau ang dinamikang lingguwistiko at panlipunan-politika ng mga wikang Mehikano at Pranses.
Naglingkod si Ms. Paz Campos bilang Pangkalahatang Kalihim sa United Nations hanggang maitalaga sa kasalukuyang posisyon sa Maynila noong Marso 2005. Nahirang na siya sa iba”t ibang kapasidad kabilang ang pagiging Konsul sa Konsuladong Mehikano sa Texas, USA.
Si G. Feydeau ay eksperto sa diplomasyang pangkultura, konsular, politikal, economiko, at militar. Mula 2001, Diputado siya ng Embahador sa Filipinas at nangangasiwa sa mga palihan, kumperensiya, at ugnayang konsular. Naglingkod na siyang direktor sa Hapon, Indonesia, Somalia, at Gran Britanya. Sa presentasyon ni G. Feydeau, tutulungan siya ni Bb.. Alix Lavaud, ang linguistic attache ng Embahada ng Pransiya.
Inaasahang ang kaalamang makukuha ng mga kalahok sa panayam ng Mehiko at Pransiya ay magpapalawak sa kanilang pananaw sa wika at makatutulong sa pagtataguyod ng kilusan para sa wikang Filipino.
Pawang kahanga-hanga din ang mga panauhing Filipino. Bubuksan ang kumperensiya ng kauna-unahang babaeng pangulo ng Unibersidad ng Pilipinas, si Dr. Emerlinda R. Roman. Tatalakayin naman ng mga iskolar na sina Dr. Florentino Hornedo at Dr. Ruth Elynia Mabanglo ang tema ng kumperensiya “Ang Wikang Filipino Bilang Wikang Global.”
Propesor sa Pamantasang Ateneo de Manila si Dr. Hornedo na eksperto sa kulturang Filipino, bantog na kritiko, at awtor ng maraming libro, kabilang ang tungkol sa kulturang Ivatan. Si Dr. Mabanglo ay kilalang peministang makata at kasalukuyang puno ng programa sa wikang Filipino sa University of Hawaii.
Sa ikapat na taon ng Sawikaan, ang librong Sawikaan 2006, antolohiya ng mga papel sa nakaraang tao, na inedit nina Galileo Zafra at Roberto T. Añonuevo, ay ilulunsad sa tulong ni UP Diliman Chancellor Sergio S. Cao. Ang mga ilustrasyong ginamit sa libro, magagandang print na likha ni Pandi Aviado, ay itatanghal sa galeriya katabi ng pulungan.
Napiling mga salita sa taong ito ang “party list,” “telenobela,” at “miskol” dahil sa matingkad na epekto ng mga ito sa kamalayan ng bayan, lalo na sa aspektong politikal at sosyal sa mga Filipino.
Ang iba pang salitang may katulad na halaga at katangian ay “videoke”, “extra judicial killing,” “make over,” “friendster,” at “roro.” Roro ang pinaikling roll on-roll off o ang sistema ng transportasyon sa mga pulo na inaasahang makapag-ambag sa pambansang ekonomiya.
Mahigit sa limampung salita ang isinumite pero ang walo lamang ang pumasa sa pamantayang itinakda ng FIT (Filipinas Institute of Translation). Para sa taong ito, reserbado ang apat na papel para sa mga salita mula sa rehiyon, kasama na ang “oragon” ng Bikol.
Itinaguyod ng National Commission for Culture and the Arts at Blas Ople Foundation ang Sawikaan 2007, at pinangangasiwaan naman ng Filipiinas Institute of Translation.
Bukas ang kumperensiya sa mga guro, estudyante, at iba pang interesado sa wika. Kontakin lamang sina Ms. Eilene Narvaez (9244747) o Prop. Romulo P. Baquiran, Jr. (9221830), Filipinas Institute of Translation, Rm. 2082, Bulwagang Rizal, College of Arts and Letters, University of the Philippines, Diliman, Quezon City, o mag-email sa [email protected].